“Habang itinataas ang bandila ng Pilipinas” Photo credit: Abdul Mahid U. Doro

MARAWI CITY, October 30, 2017–Itinaas ang bandila ng Pilipinas noong Lunes sa City Hall ng Marawi bilang tanda ng kalayaan ng lungsod mula sa teroristang grupong Maute.

Pinangunahan ng Mayor ng Lungsod na si Atty. Majul Gandamra na dinaluhan din ng iba’t ibang kawani ng gobyerno at mga lokal na opisyal ng rehiyon.

Noong bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre 17, 2017, kanya nang idineklara na malaya na ang Marawi mula sa mga teroristang grupo.

Ayon sa lokal na opisyal ng lungsod, taliwas sa mga naunang pagtaas ng bandila sa lungsod, ang pagtaas ng bandila ay nangangahulugang malaya na nga ang lungsod matapos ang halos limang buwang kagulohan dahil sa mga teroristang grupo sa lugar.
Ang pagtataas ng bandila ay hudyat na rin nang pagsisimula ng rehabilitasyon sa lungsod, ayon kay Gandamra.

Hindi napigilang maiyak ng ilang mga nakilahok sa seremonya katulad lamang ni Alim Murad Amanodden, ang Mufti ng Lanao Regional Darul Ifta, na siyang nanguna sa pagdarasal bago simulan ang okasyon.

Sabi niya sa kanyang panalangin, “Gyangkai a myapapas rkami na sambi ingka (God) rkami sa mapiya adi skanyan” (Sana itong nangyari sa amin ay palitan Niyo/God sa amin ng maganda).

Nagpahayag din ng kanyang mensahe ang Regional governor ng Lanao del Sur na si Mujiv Hataman.

Nais iparating ni Hataman sa mga Ulama (Religious leader) at sa mga guro na magtulungan sila at ng local na pamahalaan na ipaliwanag sa mga henerasyong darating na mali ang ideolohiyang sinusunod ng mga teroristang grupo.

Nagbigay din siya ng mensahe para sa mga mamamayan. Sabi niya, “Hindi ito panahon ng kutyaan… Panahon ito upang tanungin ang sarili kung ano ang pwede iambag upang maibangon ang Marawi.”

Nagbigay din ng mensahe ang iba’t ibang opisyal ng lokal na pamahalaan bago tuluyang itinaas ang bandila ng Pilipinas.

Naroon din sa okasyon ang iba’t ibang kawani ng gobyerno tulad ng DSWD na matapos ang seremonya, namahagi ng relief goods sa mga residenteng nagsibalikan na sa Marawi. (FDNasser/Duyog Marawi News)